Sabado, Setyembre 10, 2011

Pagpapaigting sa pakikibakang masa sa gitna ng hambalos ng Imperyalismong US

Ang malagim na pag-atake sa Twin Towers noong September 11, 2001 ang naging hudyat ng mga malalagim na gyerang pinasukan  ng US sa bisa ng kanilang tinawag na "gyera laban sa terorismo". Sa aktwal  na mga kaganapan, higit  na mas malagim ang mga naging bunga ng mga pag-atake  ng US sa mga bansang tulad ng Afghanistan at Iraq kaysa sa naganap na atake sa Twin Towers. Ang “gyera laban sa terorismo” ay naging gyera laban sa mamamayan at mga mapagpalayang kilusan.

Ang mga naganap  na atake sa Afghanistan at Iraq  ay nagresulta ng pagmasaker sa libo-libong Afghan at Iraqi dulot na rin ng pananalanta ng armadong pwersa ng US. Bukod pa  sa mga nawasak na imprastraktura kabilang ang mga ospital, eskwelahan, planta ng kuryente at patubig, mga opisina at marami pang iba. Ginawa ito  ng US gamit ang  mga kagamitang pandigma na tinaguriang "weapons of mass destruction" kabilang ang  mga  bomba at bala na may kargang uranium. Nagawa nitong pumatay ng di mabilang na sibilyan sa panahon ng kanyang pagpasok sa mga bansang Afghanistan at Iraq.

May mga malinaw  na basehan para masabing alam ng US at ng mga ahensya ng gobyerno nito, lalo na ng intellligence agency nito, ang magaganap na pag-atake sa  Twin Towers  kahit bago  pa man ng September 11. May mga ilang dokumento nga na nagsasabi na 5 sa 19 na hiijakckers ay nakapailalim na sa surveillannce ng US intelligence agency pero walang ginawang aksyon ang US tungkol  dito.

Matagal nang may sabwatan ang kampo ng US at ni Osama Bin Laden na itinuturong salarin. Nagtulungan na ang dalawa mula pa man noong 1980s para sa isang kampanyang anti-Soviet sa Afghanistan. May mga dokumento rin na lumabas na ang ilan sa mga hijacker na nanduon sa eroplano  ay nagsanay pa sa nga sa mga US air bases. Kahit nga ang pamilyang Bush at Bin Laden ay may mahigpit  na ugnayan bukod sa magkasosyo ang dalawa sa Carlyle Group.

Noon pa man, malinaw  na sa mga Pilipino  ang mga gulong itinutulak ng US. Ilan sa mga ito ang pagrerekrut nila ng mga Moro para mag-jihad na bahagi ng kanilang kampanyang anti-Soviet noong dekada 80 sa Afghanistan at ang pagbubuo ng Central Intelligence Agency (CIA) ng teroristang grupong Abu Sayyaf noong 1992. Malaki rin ang mga ginampanang papel ng ahente ng CIA na si Michael Terrence Meiring at dating Hen. Angelo Reyes sa pambobomba sa Mindanao para lumikha ng mga gawa-gawang gulo at maging dahilan para muling magbase ang US sa Mindanao.

Katulad ni Hitler malinaw na ginamit ng US ang pambobomba noong 9/11, kagaya ng pagsunog ni Hitler sa Reichstag, para bigyang laya ang pag-atake sa mga bansa sa Middle East at sa pagbibigay sa laya sa "gyera laban sa terorismo" na sumagasa sa soberanya at pumatay ng libo-libong mamamayan sa  mga bansang Arabo at mga bansang neo-kolonya ng US.

Malaki ang naging ganansya ng US sa mga pinasok nitong gyerang agresyon. Nagawa ng US na mahawakan ang mga bansang mayroong industriya ng langis at gas. Kung nanaisin nito,magagawa nitong lumikha ng mga pipe line na mula Gitnang Asya papuntang Indian Ocean na dadaan sa Afghanistan at Pakistan. Mula pa man noon tinitingnan na ng US na gamitin ang mga bansang ito upang harapin ang kanyang numero unong kalaban sa Asya na walang iba kundi ang China. Bagamat mayroong ugnayang mutwal ang dalawa sa pagpapatupad ng mga neo-liberal na polisiya, sinisisi pa rin ng US  na ang China ang dahilan ng kasalukuyang depresyon sa  pandaigdigang sistemang kapitalista.

Nitong mga nakaraang buwan lamang ay napatay na ang itinuturong salarin sa pag-atake noong September 11,2001. Napatay matapos na i-raid ng mga elemento ng US ang pinagkukutahan ni Osama Bin Laden. Matapos ang 10 taon, ipinapahayag na ng US na nakamit  na ang hustisya sa pamamagitan ng pagpatay kay Bin Laden. Subalit ang tanong ay kung nakamit na nga ba ang katarungang ipinapamalita ng US.

Malinaw na hindi  pa rin naaabot ang hustisya-- hindi lang sa gawa gawang atake ng US sa kanyang sariling teritoryo kundi sa mga naging bunga ng mga gyerang agresyong inilunsad ng US sa mga bansang may mga mayayamang deposito ng langis at mga bayang mala-kolonya nito.
Matapos ang mga matagumpay nitong operasyon sa Afghanistan at Iraq, pinakabagong pinasok naman nito kasama ng kanyang mga alyado ang Libya at samantalahin ang mga kaguluhan doon upang matagumpay na pakialaman ang soberanya at gawing neo-kolonya sa batayan ng mayamang industriya ng langis nito. Katulong ang mga bansang kagaya ng France at UK, sagad sagad ngayon ang mga atakeng militar na inilulunsad ng US at NATO upang panghimasukan ang usapin ng mga mamamayan sa Libya.

Matapos ang 10 taon ay wala pa ring naging pagbabago sa kalagayan ng ekonomya ng US. Kung ano ang kalagayan noon na nagtulak sa US para maglunsad ng mga gyerang agresyon ay siya rin lang namang kalagayan ngayon ngunit mas masahol pa.  Patuloy pa rin itong nakasadlak dahil na rin sa  sistemang kapitalistang sobrang produksyon at labis na konsentrasyon ng kapital sa kamay ng mga monopolyo burgesya habang nananatiling bagsak ang produksyon at sinasalanta ang kabuhayan ng mga manggagawa at ng mamamayan at ang ekonomya ng ikatlong daigdig. Umabot na sa di pa napapantayang antas ang krisis na kinapapalooban ngayon ng US. Itinutulak ng mga kalagayang nilikha ng US ang mamamayan upang lumaban at maglunsad ang uring manggagawa ng makauring pakikibaka laban sa mga monopolyo burgesya. Sumisiklab ang mga pakikibaka ng mamamayan sa ibat ibang panig ng daigdig. Malinaw nang nailalantad ang katangiang imperyalista ng US.

Ang kondisyon upang palakasin ang mga anti-imperyalistang prente ay hinog na hinog na. Habang patuloy na lumalala ang krisis ng kapitalismo ay patuloy lang din nitong itutulak ang mamamayan upang tahakin ang landas ng pakikibaka para sa isang sistemang panlipunang malaya at walang pagsasamantala. Ngayon mas kinakailangan din na palakasin pa ng kabataan ang kanyang pakikipagkaisa sa malawak na masa ng mamamayan na pinagsasamantalahan at inaapi sa pamamagitan ng mga estadong hawak ng monopolyo burgesya. Patuloy na pinagkakaitan ang mga kabataan upang magtamasa ng isang dekalidad at abot kayang edukasyon. Tuloy tuloy ang ginagawang pagkaltas sa badyet ng edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan upang idagdag sa mga pambayad utang panlabas. Ang krisis sa edukasyon na dulot ng krisis sa kapitalismo ay isang hinog na kondisyon upang palakasin ng mga kabataan-estudyante ang pakikibaka para sa isang maka-masa, makabayan, at siyentipikong edukasyon.  Ang patuloy na pagmamatigas ng burgesya upang ipamahagi ang mga lupain sa mga magsasaka ay dapat na masamantala upang mas mapalakas ang mga pakikibakang anti-pyudal sa kanayunan. Ang kalagayan ng sektor ng paggawa na dumaranas ng mababang pasahod at kawalan ng hanap- buhay ay  mainam na samantalahin ng mga kabataan upang mas lalong palakasin ang ugnayan ng mga kabataan at mamamayan. Pinakamainam na mabuo ng mga kabataan ang isang malawak na pagkakaisa sa mamamayan upang harapin at labanan ang hambalos ng mga pasistang estadong direktang kinokontrol  ng imperyalismong US.

Kung kailan umiigting ang krisis ng sistemang kapitalista ay siya rin namang pagtalim ng kontradiksyon sa pagitan ng mamamayan at ng burgesya. Pinapatunayan ng kasaysayan na ang mga kondisyon ng imperyalistang agresyon at gyera ay nagpalitaw ng mga armadong rebolusyon at pakikibakang masa para sa demokrasya at sosyalismo. 

Ang pag-alaala sa atake ng 9/11 at iba pang gyerang agresyong kumitil sa buhay ng libo-libong mamamayan ay di dapat malimita lamang sa pag-alaala.  Ang mga ito ay dapat na kuhanan ng lakas at inspirasyon ng mamamayan upang mas lalo pang pag-ibayuhin ang pakikibakang masa laban sa imperyalismo hanggang tagumpay at makamit ang isang lipunang wala ng pagsasamantala.