Huwebes, Oktubre 27, 2011

Mainstream mass media, kanino ka nga ba?

May mga ilang araw na rin na laman ng balita sa mainstream media ang bakbakan sa Mindanao na ikinamatay ng may 19 na sundalo. Itinuturong dahilan-- MILF. Para mas mabilis ang talakayan deretsuhin na natin. Bayani ang 19 na sundalo na napatay sa bakbakan kabilang ang mga sumunod pang napatay sa magkakaibang ambush. Sa tingin ko, kung mayroon pa silang mapipiling mas mainam na trabaho baka hindi na sila nagsundalo. Pero pambihira! Parang mga anak ng diyablo ang mga nakapatay sa kanila kung ituring ng mainstream na masmidya. Simple lang naman e. Kapag ang napatay sa bakbakan militar o di kaya naman ay pulis asahan mo na ang mga ganyang pagromantisa ng midya at ng kung sino-sinong mga tao. Pero kapag ang napatay sa bakbakan e NPA o kaya naman MILF, isa lang ang maririnig mo: Mabuti nga sa inyo. Mamatay na kayong lahat. Para bagang walang karapatang-tao ang mga miyembro ng NPA at MILF at di na dapat nabuhay sa mundo. Paalala: sabi nga nila "all is fair in love and war."
-----------------------xxxxXXXXxxxxxx---------------------------------------
Kapansin-pansin ang pagkahumaling ng mga nasa mainstream na masmidya sa pagiging opinionated na pagbabalita. Ang masama pa kung minsan ay mayroon na agad paghuhusga sa isyu bago pa man ito ibalita. Halimbawa, kataka-takang hindi hinihingan ng opinyon si Noli "Kabayan" de Castro kapag ang balita e tungkol sa kaso ng pandaraya ng nakaraang administrasyon kung saan si Kabayan ay nagsilbing bise-presidente. Mahahalata rin ang pagsagip ni Korina Sanchez sa administrasyong Aquino sa tuwing may mga balitang direktang kumekwestyon sa pamahalaan na kung saan ang kanyang asawa na si Mar Roxas ay isang opisyal. Lipat naman tayo sa kabila. Bago pa man maibalita ang tungkol sa mga protesta sigurado na magkokomento na ng negatibo ang nag-iisang bentador este imbetigador ng bayan na si Mike Enriquez. Halimbawa na lamang nitong nakaraang transport strike. Alam ng lahat na ang mga nagpa-planking na kabataan ay nagpupunta lamang sa pedestrian para gawin ito kapag nakahinto ang mga sasakyan. Pero kakaumpisa pa lamang ng protesta, may komento na agad siya na dahil sa protesta kaya nagtrapik. Ang pilit nyang ikinubli ay dahil sa pagsuspende ng MMDA sa coding kaya lumala ang trapiko. Ano pa ang modus ng mga ito? Ang paglulunsad ng mga survey na sa tanong pa lang e halos isubo na nito sa tao ang nais nilang lumabas na resulta sa survey. Mga tanong na gaya ng : "Pabor ba kayo sa ginawang protesta ng mga tsuper at operator ng jeep para sa mataas na presyo ng langis.?" kaysa sa tanong na " Pabor ba kayo sa pagtataas ng presyo ng langis?". Kaya hindi ka na rin magtataka kung kanino nga ba pumapanig ang mga nasa mainstream media.
-------------------------xxxxXXXXxxxx---------------------------------------------
Dalawang topiko ang nag-aagawan ngayon sa mga balita. Gulo sa Mindanao at ang estado ng relasyon nila John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao. Sa totoo lang, sasang-ayon ako kay John Lloyd sa punto na kung ano mang away mayron sila e sa kanila nalang yun ni Shaina. Bakit? Wala namang epekto sa mamamayan kung ano man ang mangyayari sa kanila. Kung magkakasundo ba sila at di na guluhin ni Ruffa e tataas ang sahod ng mga manggagawa ng 125-across the board nationwide? O kung magkahiwalay ba sila e maipapamahagi na ang Hacienda Luisita dahil ang pinag-awayan pala nila ang asukal na galing dito?
-----------------------xxxXXXXxxxx-------------------------------------------
Patay na pala si Ka Roger, tagapagsalita ng Partido(CPP). Isang bayani at di mamamatay na tinig ng rebolusyong Pilipino. Isa lang ang nakuha kong reaksyon ng mga militar at mainstream na masmidya. Militar: Sayang. Kung tinanggap mo sana ang alok naming medikasyon kapalit ng prinsipyo mo, di mo sana inabot ang ganyan. Masmidya: Mga kabataan, wag tularan. Mamamatay lang kayo sa bundok. Mag-aral nalang kayo.
Sigurado ako na nagngitngit ang mga nasa AFP ng mabalitaan nila ito. Sampal sa kanila na ang isang tao na halos buhusan nila ng kanilang pondo para lang mahuli ay namatay hindi dahil sa kanila. Kundi dahil sa iginupo na siya ng karamdaman niya. Mabuhay ka Ka Roger! Bayani ka ng sambayanang Pilipino.
----------------------xxxXXXxxx--------------------------------------------------
Gusto ko sanang sagutin ang lahat ng mga paratang ni Slavoj Zizek, isang nagpapakilalang Marxista, kila Lenin at Mao pero sa susunod nalang. Aaralin ko muna siya ng maige. Isang punto lang hinggil sa sosyalistang rebolusyon na kinatatakutan diumano ng mga intelektwal sa akademya. Natatakot din siguro siya, bilang isang intelektwal, sa kahihinatnan ng sumusulong na rebolusyon dahil sa hindi nya kayang bitawan ang kanyang pagiging intelektwal na nakakulong sa kahon ng pagbibigay ng mga dogmatikong pagsusuri na kailangan nyang bitawan sa panahon ng sosyalistang rebolusyon.
Panghuli nalang. MAG-INGAT SA MGA DILAW  NA ILAW NA NAKAKASILAW.           Tahimik sila sa mga isyu ng mamamayan. Sila ang mga nagpapakilalang "Kaliwa" na nakaupo ngayon sa gobyerno at nagpapakasasa sa suhol ng reaksyunaryong rehimeng Aquino.###

Martes, Oktubre 4, 2011

Pagpapaigting sa pakikibakang masa sa gitna ng hambalos ng Imperyalismong US

Ang malagim na pag-atake sa Twin Towers noong September 11, 2001 ang naging hudyat ng mga malalagim na gyerang pinasukan  ng US sa bisa ng kanilang tinawag na "gyera laban sa terorismo". Sa aktwal  na mga kaganapan, higit  na mas malagim ang mga naging bunga ng mga pag-atake  ng US sa mga bansang tulad ng Afghanistan at Iraq kaysa sa naganap na atake sa Twin Towers. Ang “gyera laban sa terorismo” ay naging gyera laban sa mamamayan at mga mapagpalayang kilusan.
Ang mga naganap  na atake sa Afghanistan at Iraq  ay nagresulta ng pagmasaker sa libo-libong Afghan at Iraqi dulot na rin ng pananalanta ng armadong pwersa ng US. Bukod pa  sa mga nawasak na imprastraktura kabilang ang mga ospital, eskwelahan, planta ng kuryente at patubig, mga opisina at marami pang iba. Ginawa ito  ng US gamit ang  mga kagamitang pandigma na tinaguriang "weapons of mass destruction" kabilang ang  mga  bomba at bala na may kargang uranium. Nagawa nitong pumatay ng di mabilang na sibilyan sa panahon ng kanyang pagpasok sa mga bansang Afghanistan at Iraq.
May mga malinaw  na basehan para masabing alam ng US at ng mga ahensya ng gobyerno nito, lalo na ng intellligence agency nito, ang magaganap na pag-atake sa  Twin Towers  kahit bago  pa man ng September 11. May mga ilang dokumento nga na nagsasabi na 5 sa 19 na hiijakckers ay nakapailalim na sa surveillannce ng US intelligence agency pero walang ginawang aksyon ang US tungkol  dito.
Matagal nang may sabwatan ang kampo ng US at ni Osama Bin Laden na itinuturong salarin. Nagtulungan na ang dalawa mula pa man noong 1980s para sa isang kampanyang anti-Soviet sa Afghanistan. May mga dokumento rin na lumabas na ang ilan sa mga hijacker na nanduon sa eroplano  ay nagsanay pa sa nga sa mga US air bases. Kahit nga ang pamilyang Bush at Bin Laden ay may mahigpit  na ugnayan bukod sa magkasosyo ang dalawa sa Carlyle Group.
Noon pa man, malinaw  na sa mga Pilipino  ang mga gulong itinutulak ng US. Ilan sa mga ito ang pagrerekrut nila ng mga Moro para mag-jihad na bahagi ng kanilang kampanyang anti-Soviet noong dekada 80 sa Afghanistan at ang pagbubuo ng Central Intelligence Agency (CIA) ng teroristang grupong Abu Sayyaf noong 1992. Malaki rin ang mga ginampanang papel ng ahente ng CIA na si Michael Terrence Meiring at dating Hen. Angelo Reyes sa pambobomba sa Mindanao para lumikha ng mga gawa-gawang gulo at maging dahilan para muling magbase ang US sa Mindanao.
Katulad ni Hitler malinaw na ginamit ng US ang pambobomba noong 9/11, kagaya ng pagsunog ni Hitler sa Reichstag, para bigyang laya ang pag-atake sa mga bansa sa Middle East at sa pagbibigay sa laya sa "gyera laban sa terorismo" na sumagasa sa soberanya at pumatay ng libo-libong mamamayan sa  mga bansang Arabo at mga bansang neo-kolonya ng US.
Malaki ang naging ganansya ng US sa mga pinasok nitong gyerang agresyon. Nagawa ng US na mahawakan ang mga bansang mayroong industriya ng langis at gas. Kung nanaisin nito,magagawa nitong lumikha ng mga pipe line na mula Gitnang Asya papuntang Indian Ocean na dadaan sa Afghanistan at Pakistan. Mula pa man noon tinitingnan na ng US na gamitin ang mga bansang ito upang harapin ang kanyang numero unong kalaban sa Asya na walang iba kundi ang China. Bagamat mayroong ugnayang mutwal ang dalawa sa pagpapatupad ng mga neo-liberal na polisiya, sinisisi pa rin ng US  na ang China ang dahilan ng kasalukuyang depresyon sa  pandaigdigang sistemang kapitalista.
Nitong mga nakaraang buwan lamang ay napatay na ang itinuturong salarin sa pag-atake noong September 11,2001. Napatay matapos na i-raid ng mga elemento ng US ang pinagkukutahan ni Osama Bin Laden. Matapos ang 10 taon, ipinapahayag na ng US na nakamit  na ang hustisya sa pamamagitan ng pagpatay kay Bin Laden. Subalit ang tanong ay kung nakamit na nga ba ang katarungang ipinapamalita ng US.
Malinaw na hindi  pa rin naaabot ang hustisya-- hindi lang sa gawa gawang atake ng US sa kanyang sariling teritoryo kundi sa mga naging bunga ng mga gyerang agresyong inilunsad ng US sa mga bansang may mga mayayamang deposito ng langis at mga bayang mala-kolonya nito.
Matapos ang mga matagumpay nitong operasyon sa Afghanistan at Iraq, pinakabagong pinasok naman nito kasama ng kanyang mga alyado ang Libya at samantalahin ang mga kaguluhan doon upang matagumpay na pakialaman ang soberanya at gawing neo-kolonya sa batayan ng mayamang industriya ng langis nito. Katulong ang mga bansang kagaya ng France at UK, sagad sagad ngayon ang mga atakeng militar na inilulunsad ng US at NATO upang panghimasukan ang usapin ng mga mamamayan sa Libya.
Matapos ang 10 taon ay wala pa ring naging pagbabago sa kalagayan ng ekonomya ng US. Kung ano ang kalagayan noon na nagtulak sa US para maglunsad ng mga gyerang agresyon ay siya rin lang namang kalagayan ngayon ngunit mas masahol pa.  Patuloy pa rin itong nakasadlak dahil na rin sa  sistemang kapitalistang sobrang produksyon at labis na konsentrasyon ng kapital sa kamay ng mga monopolyo burgesya habang nananatiling bagsak ang produksyon at sinasalanta ang kabuhayan ng mga manggagawa at ng mamamayan at ang ekonomya ng ikatlong daigdig. Umabot na sa di pa napapantayang antas ang krisis na kinapapalooban ngayon ng US. Itinutulak ng mga kalagayang nilikha ng US ang mamamayan upang lumaban at maglunsad ang uring manggagawa ng makauring pakikibaka laban sa mga monopolyo burgesya. Sumisiklab ang mga pakikibaka ng mamamayan sa ibat ibang panig ng daigdig. Malinaw nang nailalantad ang katangiang imperyalista ng US.
Ang kondisyon upang palakasin ang mga anti-imperyalistang prente ay hinog na hinog na. Habang patuloy na lumalala ang krisis ng kapitalismo ay patuloy lang din nitong itutulak ang mamamayan upang tahakin ang landas ng pakikibaka para sa isang sistemang panlipunang malaya at walang pagsasamantala. Ngayon mas kinakailangan din na palakasin pa ng kabataan ang kanyang pakikipagkaisa sa malawak na masa ng mamamayan na pinagsasamantalahan at inaapi sa pamamagitan ng mga estadong hawak ng monopolyo burgesya. Patuloy na pinagkakaitan ang mga kabataan upang magtamasa ng isang dekalidad at abot kayang edukasyon. Tuloy tuloy ang ginagawang pagkaltas sa badyet ng edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan upang idagdag sa mga pambayad utang panlabas. Ang krisis sa edukasyon na dulot ng krisis sa kapitalismo ay isang hinog na kondisyon upang palakasin ng mga kabataan-estudyante ang pakikibaka para sa isang maka-masa, makabayan, at siyentipikong edukasyon.  Ang patuloy na pagmamatigas ng burgesya upang ipamahagi ang mga lupain sa mga magsasaka ay dapat na masamantala upang mas mapalakas ang mga pakikibakang anti-pyudal sa kanayunan. Ang kalagayan ng sektor ng paggawa na dumaranas ng mababang pasahod at kawalan ng hanap- buhay ay  mainam na samantalahin ng mga kabataan upang mas lalong palakasin ang ugnayan ng mga kabataan at mamamayan. Pinakamainam na mabuo ng mga kabataan ang isang malawak na pagkakaisa sa mamamayan upang harapin at labanan ang hambalos ng mga pasistang estadong direktang kinokontrol  ng imperyalismong US.
Kung kailan umiigting ang krisis ng sistemang kapitalista ay siya rin namang pagtalim ng kontradiksyon sa pagitan ng mamamayan at ng burgesya. Pinapatunayan ng kasaysayan na ang mga kondisyon ng imperyalistang agresyon at gyera ay nagpalitaw ng mga armadong rebolusyon at pakikibakang masa para sa demokrasya at sosyalismo. 
Ang pag-alaala sa atake ng 9/11 at iba pang gyerang agresyong kumitil sa buhay ng libo-libong mamamayan ay di dapat malimita lamang sa pag-alaala.  Ang mga ito ay dapat na kuhanan ng lakas at inspirasyon ng mamamayan upang mas lalo pang pag-ibayuhin ang pakikibakang masa laban sa imperyalismo hanggang tagumpay at makamit ang isang lipunang wala ng pagsasamantala. ###

Sabado, Setyembre 10, 2011

Ang pag-alaala sa atake ng 9/11 at iba pang gyerang agresyong kumitil sa buhay ng libo-libong mamamayan ay di dapat malimita lamang sa pag-alaala.  Ang mga ito ay dapat na kuhanan ng lakas at inspirasyon ng mamamayan upang mas lalo pang pag-ibayuhin ang pakikibakang masa laban sa imperyalismo hanggang tagumpay at makamit ang isang lipunang wala ng pagsasamantala. 

Miyerkules, Agosto 17, 2011

Teenager ka pa ba?

Kanina ko lang ulit napakinggan ang kantang Teenagers ng My Chemical Romance. Nakakatuwa ang mga biglang pumasok sa isip ko habang tumutugtog ang kanta. May mga liriko din ang kanta na di ko maiwasang komentuhan. 

They're gonna clean up your looks
With all the lies in the books
To make a citizen out of you

Halimbawa, sa mga eskwelahan, sino ba ang nagtakda na dapat ang mga estudyante ay nakasuot ng uniporme, naka-sapatos, kapag lalaki dapat gupit militar.Kapag babae dapat nakatali ang buhok. May pagka-elitista ang tipo ng mga eskwelahan. Iniisip ko lang, kung ganito ng ganito sa mga susunod na taon malamang na wala nang mag-enroll. Bukod kasi sa pipilitin kang bumili ng uniporme, kakaltasan pa ang badyet ng edukasyon ngayong taon. Asahan mo na pagdating ng February e may fiesta na naman. Tuition Fiesta ang tawag dito. Kundi man tuition, miscellaneous ang tataasan. Pero balik tayo sa sinasabi ko. Wala ka pang uniform. Goodluck. 

Bukod sa papahirapan at gagatasan ka ng mga kapitalista edukador na wala rin namang iba kundi  ang mga administrador ng mga unibersidad, pamantasan, at mga kolehiyo,  papasakan ka pa ng mga kursong hindi naman talaga naaayon sa pangangailangan ng Pilipinas. Mahahalata mo naman yan e. Magbasa ka lang kung ano na ba ang kailangan ngayon ng mga bansang kagaya ng US, UK, at iba pa. Malalaman mo na kung ano ang patok na kurso. Idagdag mo pa riyan ang mga librong pinapagamit sa elementarya. Palibhasa'y dumaan sa sensura ng mga dambuhalang bangkong pinagkakautangan ng Pilipinas, kontrolado nila ang laman ng mga librong ito. 

Asahan mo na ang mga propaganda sa midya na kapag ganitong kurso ang natapos mo e ikaw na ang pinakamagaling. Asahan mo na rin, sa minumum, na kapag nakakasalita ka ng ingles e bida ka. Di lang basta bida, sibilisado at "globally- competitive"  ka daw. Ayos. Kuha mo? 

Because they sleep with a gun
And keep an eye on you, son
So they can watch all the things you do

Tingnan tingnan mo na. Baka may mga surveillance camera na sa kampus mo. Wag kang mag-alala. For security purposes yan. Sabi nila. Sabi ng Human Security Act. Sabi ni Poncio Pilatong president ng eskwelahan. Sabi  ni Hudas na direktor ng Students Affairs. Sabi ni koya at ni ate na galit sa aktibista. Side trip nalang daw yung pagmamanman sa mga kilalang student-leader sa kampus. Side trip nalang daw kung nagkataon man na i-tip ka nila sa militar para i-harass, takutin, o ,kaya dukutin.  Actually, di  mo  na kailangan pang mag-audition sa Pinoy Big Brother. Kampus mo palang, PBB na! Lagi mong tandaan: "Big Brother is watching you!"  

So darken your clothes
Or strike a violent pose
Maybe they'll leave you alone
But not me

Madami pa sana tayong pwedeng pag-usapan lalo kung teenagers lang din naman ang ating pagkwekwentuhan. Pero sa lahat ng lumitaw sa topiko nating ito isa lang ang sagot dyan: Wala kang uniporme pero gusto mo mag-aral? Ipetisyon natin. Sino ba ang may sabi na makakaapekto ang pagsusuot mo ng tsinelas sa pagkatuto mo? Sino ba may sabi na kapag nagpakalbo ang katabi mong babae sa room nyo e imoral na siya? Sino ba may sabi na kapag wala kang uniporme e hindi ka sibilisado?

Mataas na matrikula ba kamo at badyet cut? Tanungin mo yung mga nauna sayo sa kampus mo: Bumaba ba ang matrikula nila nung umupo lang sila sa isang tabi at nakatunganga lang sa kawalan? Hindi masama ang mag-rally, maglunsad ng mga signature campaigns at magsuot ng iisang kulay ng tshirt lalo kung para ito sa mas dekalidad at abot kayang edukasyon.

Walang masama sa strike kung ito  nalang ang natitirang hindi mo nagagawa para mapababa ang matrikula mo at mapigilan ang kaltas sa badyet. May mas mataas pa dito pero kung ito lang ang kakayanin walang problema. Tandaan natin na kasaysayan na ang nagsaad na sa pamamagitan ng strike nagawa nating mapababa ang kaltas ,bagamat kulang pa, nakita natin na mayroong kinakahinatnan ang ating mga ginawa. 

They said now teenagers scare the living shit out of me

Dapat talaga silang matakot. Hindi ang mga surveillance camera ang kayang magpatigil sa mga pagkilos ng kabataan. Babasagin lang nila yan. Hindi ang mga pulis at militar ang kayang pumigil sa mga kilos-protesta ng mga kabataan. Sasagasaan lang nila yan. Kabataan ang bukal ng pagbabago. Taglay ng kabataan ang rebolusyunaryong kaisipang magbabago sa lipunang matagal nang inalipin at pinagsamantalahan. Hindi lang sa loob ng paaralan kayang matuto ng mga kabataan. Ang tunay na pagkatuto ay sa piling ng masang api. 

Linggo, Agosto 14, 2011

Kung Bakit Makatarungan ang Pagrerebelde ng mga Kabataan

"Tanging sa militanteng pakikibaka lamang lilitaw ang pinakamahusay sa kabataan. Tanging sa pakikibaka lamang patuloy na mapapanariwa ang panlabang pwersa ng walang hanggang pagdaloy ng bagong dugo."

                                                                                                                                                                                  -Prof. Jose Maria Sison

Hindi na maitatanggi ng mga reaksyunaryong estado sa ibat ibang panig ng mundo ang dagok ng krisis dulot ng imperyalismo. Ang pagkaltas ng badyet sa mga subsidyo ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan ay nagbunga ng mga pag-aaklas at paglaban ng mamamayan. Isa na rito ,kamakailan lamang, ang nangyaring pag-aalsa ng mga kabataan sa London. Tila apoy na kumalat ang gulo sa mga magkakaibang panig ng London. Gamit ang social-networking bilang isang instrumento, lumaki ng lumaki ang bilang ng mga lumahok upang ipahayag ang diskuntento sa mga polisiya ng gobyerno lalo na sa pagkaltas sa pondo ng serbisyong panlipunan. Mga bagay na tanging mga kabataan lamang ang kadalasa'y may kahusayan sa paggamit. 

Hindi na bago sa kasaysayan ng mundo ang mga nangyaring pagkilos ng mga kabataan. Likas na sa kasaysayan ng daigdig ang dalawang pagkakahati ng mga kabataan. Ang isa na nakakulong at nakagapos sa mga lumang kaayusan ng lipunan at isang "naghahangad ng bago at mas maayos na sistema na sila mismo ang makikinabang."(Sison) Sa ganitong pagkakahati rin ng mga kabataan kinikilala ng kasaysayan at ng daigdig na bukas ang kabataan sa mga bagong ideya , ideolohiya, pananaw at paninindigan sa mundo. Lamang ang kabataan higit kaninuman pagdating sa pag-ayon sa mga ideyang bago at progresibo. Kitang kita ito lalo na sa panahon ng krisis kapag hindi na nakukuntento ang mga kabataan sa mga lumang kaayusan. Lilikha at lilikha ito ng panibago, mas progresibo ,at siguradong sistemang maglilingkod sa interes nila.

Ang mga nangyaring pagrerebelde ng mga kabataan, hindi lamang sa Europa, maging sa panig ng Gitnang Silangang Asya ay patunay na bukas ang kabataan sa bagong ideya ng pagrerebolusyon at pagbabago ng sistemang panlipunan.  Handa na ito sa laban upang palitan ang mga dating monarkiya, diktador, at mga kasapakat ng kasalukuyang sistemang neo-liberal , globalisasyon at "malayang pamilihan". Sa Ehipto, Tunisia, Libya at iba pang panig ng Gitnang Silangang Asya ipinakita ng kabataan ang kanyang lakas. Ang kanyang pamumuno sa pagrerebelde ay nagresulta ng pagpapalayas sa mga rehimeng nagpahirap sa sambayanan nila sa matagal na panahon. Gayon din nitong nakaraan sa London, mga kabataan muli ang tumungo sa lansangan upang ipahayag ang disgusto sa kasalukuyang parlamentaryong naghihigpit ng sinturon na ang tuwirang tinatamaan ng gayong klaseng pagtitipid ay mga kabataan at mamamayan. 

Maging sa Pilipinas ay ipinapakita ng mga kabataan ang kahandaan nitong suungin ang laban. Noong nakaraang taon, naimplementa ang pinakamalaking kaltas sa badyet ng edukasyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Sinagot ito ng mga kabataan ng mga kilos-protesta, strike, walk-out at iba pang porma ng pagtutol. Nagbunga ito ng pagbawas sa naiplanong kaltas sa badyet. Umani ng tagumpay ang mga kabataan ngunit malinaw na hindi dito nagtatapos ang laban ng mga kabataan para sa edukasyon. Hindi lamang sa sektor ng edukasyon makikita ang kahandaan ng mga kabataan sa pakikibaka. Maging sa sektor ng paggawa, sa mga pagawaan, pabrika hanggang sa demolisyon. Maging sa kanayunan ay handa na ang pwersa ng pagbabago kasama ang mga mamamayang pinahihirapan ng pyudal at bulok na sistemang ito.
Subalit, kailangang mailinaw na ang pakikibaka ng mga kabataan ay di kayang mapagtagumpay laban para sa isang maayos na lipunan kung siya ay nagsasarili lamang. Kung magkagayon man na hindi isanib ng kilusang kabataan ang kanyang pagkilos sa kilusan ng batayang masa ng manggagawa at magsasaka, magiging bugso- bugso lamang at may tipong anarkista ang magiging itsura ng labang ito. Bagay na madaling samantalahin ng mga reaksyunaryo at tagapagligtas ng "status quo". kinakailangang mulat na sumama ang kilusang kabataan sa malawak na kilusan ng mamamayang ginutom, inapi, at pinagsamantalahan ng bulok na sistemang panlipunang nagbigay nag katangiang mala-pyudal at mala-kolonyal sa lipunang Pilipino. Ang laban para sa isang makatarungang lipunan ay hindi lamang laban ng mga kabataan, kundi ng mamamayan ng buong daigdig.  

Ang pagrerebolusyon ng mga kabataan ay hindi pagtalikod sa mga obligasyon nito sa kanyang pamilya, kaibigan, kinalakhang lipunan, kaibigan at iba pa. Ang rebolusyong lalahukan ng mga kabataan ay higit pa ang makakamit na tagumpay, bagay na hindi kayang ibigay ng mga diploma ng unibersidad, pamantasan, kolehiyo, at paaralan. 

Ang sining, estado at Simbahang Katolika

"No such thing as art for art's sake."
                                       -Mao Zedong on "Talks at the Yenan Forum on Literature and Art"  (May 1942), Selected Works, Vol. III, p. 86.*

Isa sa mainit na debate ngayon ang naging aksyon ng mga institusyon ng gobyerno at simbahan sa mga malikhaing sining na ginawa ni Mideo Cruz partikular sa kanyang obra na "Poleteismo". Idagdag pa na nag-alburuto ang mga lider ng simbahang Katoliko at sumakay pa sa isyu ang mga politiko, kasama na rito si Noynoy Aquino. 

Nakakatawa na naglabasan na naman ang mga henyo at relihiyoso nang pumutok ang isyu ng likhang-sining ni Cruz. Kamakailan lamang nang mapabalita ang mga isyu ng korapsyon sa gobyerno na nagkaladkad sa Simbahang Katolika sa eskandalo dahil sa pagtanggap sa mga sasakyang diumano'y nanggaling sa korapsyon. Isang bagay ang hinintay ko-- ang paglabas ng mga relihiyoso para kundenahin ang mga obispong ito. Samantalang patuloy ang mga patalastas at paglabas ng mga obrang nagliligtas sa nabubulok na burges- pyudal na kultura ay hindi maringgan ni ha ni ho ang mga naglabasang "tagapagligtas" ng sining ,kabilang na rito si Imelda Marcos, na pilit nagpapabagsak kay Cruz at sa iba pang progresibong alagad ng sining. Tila nakalimutan na ata ni Imelda ang mga kasalanan ng diktaduryang Marcos sa bayan. O di kaya'y nakita nalang ni Imelda ang pagpatay sa mga progresibo at aktibista noong Martial Law bilang sining? 

Sa isang banda, nagdulot ng magandang pagkakataon ang isyung ito upang mapag-usapan muli ang sining. Naging daan ito upang mailinaw sa masa ang katangian ng sining. Nailantad din sa isyung ito kung paanong ang sining, bilang repleksyon ng lipunan at ng kanyang dinadalang politika at ekonomiya, ay sinisiil ng mga institusyon ng gobyerno at Simbahan gawa ng patuloy na pamamayani ng kulturang burgis-pyudal at atrasado na matingkad sa mga mala-kolonyang bansa. 

Sa nangyaring isyu na kinasangkutan ng gobyerno at Simbahan ay nailantad ang makulay na relasyon nito na isinaad na ng kasaysayan. Mula nang maglabasan ang mga isyung kagaya ng Pajero Bishops ay tila maputing tupang inihagis sa kumunoy ng putik ang Simbahang Katoliko. Itinuring pa nga ito ni Obispo Jose Bagaforo na anti-katolikong kampanya na may basbas diumano ni Aquino. Subalit sa isang iglap, biglang kabig sa manibela ang anak ng isang debotong katoliko na si Aquino. Sabwatan sa sensura ng likhang sining ni Cruz ang naging sagot ng gobyerno at Simbahan. Tila ba reconciliation process ng isang nag-aaway na magkarelasyon ang nangyaring sensura. At si Cruz ang kawawang tinamaan ng pagbabati ng dalawa. 

Isang magandang itinampok din ng isyu ay pagbabangon ng dangal ng dalawang magkaibang institusyon. Ang Simbahan, matapos ang mga isyu sa kanyang mga Obispo at ang Malacanang, matapos lumabas ang mga survey hinggil sa lumalaking pagkadisgusto ng mamamayan kay Aquino. Kakatwa na sumawsaw pa sa isyu si Etta Rosales matapos nitong sabihin na ang likhang sining ni Cruz ay produkto umano ng isang troubled-mind na tao. 

Sa ganitong pagkakataon, napakahusay na naglabasan muli ang mga progresibong artista at alagad ng sining upang ipagtanggol si Cruz at kundenahin ang nagaganap na pagsensura sa mga likhang sining. Sensura. Isang bagay na hindi dapat ipagkamali ng mga nagpapamalita ng mga katagang "demokrasya at kalayaan". Bagay na hindi nagawang panghawakan ni Aquino at ng kanyang mga alipores. 

Isang magandang isyung dapat na pag-usapan ay ang sensura sa mga likhang-sining, obra, pelikula, sulatin, dyaryo, babasahin, libro at marami pang iba. Nakakatakot na pangitain ang mga nangyaring aksyon ng gobyerno sa mga likhang sining ni Cruz. Nagbigay ito ng pagtingin na mukhang mayroon nang nagtatakda ng kung kailan at hanggang saan lang ang kalayaan mo bagay na kakatwa sa isang "malayang" bansa. Nagbigay din ito ng impresyon kung gaano nga ba kaimpluwensya ang Simbahang Katolika sa isang bansang nagpahayag ng paghihiwalay ng estado at ng Simbahan. Higit sa lahat, nagpakita ito at naglantad sa kung anong pulitika nga ba ang naghahari sa lipunang Pilipino, sino ang humahawak nito, at kung sino ang pinaglilingkuran nito. 