Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kulo. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kulo. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Agosto 14, 2011

Ang sining, estado at Simbahang Katolika

"No such thing as art for art's sake."
                                       -Mao Zedong on "Talks at the Yenan Forum on Literature and Art"  (May 1942), Selected Works, Vol. III, p. 86.*

Isa sa mainit na debate ngayon ang naging aksyon ng mga institusyon ng gobyerno at simbahan sa mga malikhaing sining na ginawa ni Mideo Cruz partikular sa kanyang obra na "Poleteismo". Idagdag pa na nag-alburuto ang mga lider ng simbahang Katoliko at sumakay pa sa isyu ang mga politiko, kasama na rito si Noynoy Aquino. 

Nakakatawa na naglabasan na naman ang mga henyo at relihiyoso nang pumutok ang isyu ng likhang-sining ni Cruz. Kamakailan lamang nang mapabalita ang mga isyu ng korapsyon sa gobyerno na nagkaladkad sa Simbahang Katolika sa eskandalo dahil sa pagtanggap sa mga sasakyang diumano'y nanggaling sa korapsyon. Isang bagay ang hinintay ko-- ang paglabas ng mga relihiyoso para kundenahin ang mga obispong ito. Samantalang patuloy ang mga patalastas at paglabas ng mga obrang nagliligtas sa nabubulok na burges- pyudal na kultura ay hindi maringgan ni ha ni ho ang mga naglabasang "tagapagligtas" ng sining ,kabilang na rito si Imelda Marcos, na pilit nagpapabagsak kay Cruz at sa iba pang progresibong alagad ng sining. Tila nakalimutan na ata ni Imelda ang mga kasalanan ng diktaduryang Marcos sa bayan. O di kaya'y nakita nalang ni Imelda ang pagpatay sa mga progresibo at aktibista noong Martial Law bilang sining? 

Sa isang banda, nagdulot ng magandang pagkakataon ang isyung ito upang mapag-usapan muli ang sining. Naging daan ito upang mailinaw sa masa ang katangian ng sining. Nailantad din sa isyung ito kung paanong ang sining, bilang repleksyon ng lipunan at ng kanyang dinadalang politika at ekonomiya, ay sinisiil ng mga institusyon ng gobyerno at Simbahan gawa ng patuloy na pamamayani ng kulturang burgis-pyudal at atrasado na matingkad sa mga mala-kolonyang bansa. 

Sa nangyaring isyu na kinasangkutan ng gobyerno at Simbahan ay nailantad ang makulay na relasyon nito na isinaad na ng kasaysayan. Mula nang maglabasan ang mga isyung kagaya ng Pajero Bishops ay tila maputing tupang inihagis sa kumunoy ng putik ang Simbahang Katoliko. Itinuring pa nga ito ni Obispo Jose Bagaforo na anti-katolikong kampanya na may basbas diumano ni Aquino. Subalit sa isang iglap, biglang kabig sa manibela ang anak ng isang debotong katoliko na si Aquino. Sabwatan sa sensura ng likhang sining ni Cruz ang naging sagot ng gobyerno at Simbahan. Tila ba reconciliation process ng isang nag-aaway na magkarelasyon ang nangyaring sensura. At si Cruz ang kawawang tinamaan ng pagbabati ng dalawa. 

Isang magandang itinampok din ng isyu ay pagbabangon ng dangal ng dalawang magkaibang institusyon. Ang Simbahan, matapos ang mga isyu sa kanyang mga Obispo at ang Malacanang, matapos lumabas ang mga survey hinggil sa lumalaking pagkadisgusto ng mamamayan kay Aquino. Kakatwa na sumawsaw pa sa isyu si Etta Rosales matapos nitong sabihin na ang likhang sining ni Cruz ay produkto umano ng isang troubled-mind na tao. 

Sa ganitong pagkakataon, napakahusay na naglabasan muli ang mga progresibong artista at alagad ng sining upang ipagtanggol si Cruz at kundenahin ang nagaganap na pagsensura sa mga likhang sining. Sensura. Isang bagay na hindi dapat ipagkamali ng mga nagpapamalita ng mga katagang "demokrasya at kalayaan". Bagay na hindi nagawang panghawakan ni Aquino at ng kanyang mga alipores. 

Isang magandang isyung dapat na pag-usapan ay ang sensura sa mga likhang-sining, obra, pelikula, sulatin, dyaryo, babasahin, libro at marami pang iba. Nakakatakot na pangitain ang mga nangyaring aksyon ng gobyerno sa mga likhang sining ni Cruz. Nagbigay ito ng pagtingin na mukhang mayroon nang nagtatakda ng kung kailan at hanggang saan lang ang kalayaan mo bagay na kakatwa sa isang "malayang" bansa. Nagbigay din ito ng impresyon kung gaano nga ba kaimpluwensya ang Simbahang Katolika sa isang bansang nagpahayag ng paghihiwalay ng estado at ng Simbahan. Higit sa lahat, nagpakita ito at naglantad sa kung anong pulitika nga ba ang naghahari sa lipunang Pilipino, sino ang humahawak nito, at kung sino ang pinaglilingkuran nito.