Ipinapakita ang mga post na may etiketa na London Riot. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na London Riot. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Agosto 14, 2011

Kung Bakit Makatarungan ang Pagrerebelde ng mga Kabataan

"Tanging sa militanteng pakikibaka lamang lilitaw ang pinakamahusay sa kabataan. Tanging sa pakikibaka lamang patuloy na mapapanariwa ang panlabang pwersa ng walang hanggang pagdaloy ng bagong dugo."

                                                                                                                                                                                  -Prof. Jose Maria Sison

Hindi na maitatanggi ng mga reaksyunaryong estado sa ibat ibang panig ng mundo ang dagok ng krisis dulot ng imperyalismo. Ang pagkaltas ng badyet sa mga subsidyo ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan ay nagbunga ng mga pag-aaklas at paglaban ng mamamayan. Isa na rito ,kamakailan lamang, ang nangyaring pag-aalsa ng mga kabataan sa London. Tila apoy na kumalat ang gulo sa mga magkakaibang panig ng London. Gamit ang social-networking bilang isang instrumento, lumaki ng lumaki ang bilang ng mga lumahok upang ipahayag ang diskuntento sa mga polisiya ng gobyerno lalo na sa pagkaltas sa pondo ng serbisyong panlipunan. Mga bagay na tanging mga kabataan lamang ang kadalasa'y may kahusayan sa paggamit. 

Hindi na bago sa kasaysayan ng mundo ang mga nangyaring pagkilos ng mga kabataan. Likas na sa kasaysayan ng daigdig ang dalawang pagkakahati ng mga kabataan. Ang isa na nakakulong at nakagapos sa mga lumang kaayusan ng lipunan at isang "naghahangad ng bago at mas maayos na sistema na sila mismo ang makikinabang."(Sison) Sa ganitong pagkakahati rin ng mga kabataan kinikilala ng kasaysayan at ng daigdig na bukas ang kabataan sa mga bagong ideya , ideolohiya, pananaw at paninindigan sa mundo. Lamang ang kabataan higit kaninuman pagdating sa pag-ayon sa mga ideyang bago at progresibo. Kitang kita ito lalo na sa panahon ng krisis kapag hindi na nakukuntento ang mga kabataan sa mga lumang kaayusan. Lilikha at lilikha ito ng panibago, mas progresibo ,at siguradong sistemang maglilingkod sa interes nila.

Ang mga nangyaring pagrerebelde ng mga kabataan, hindi lamang sa Europa, maging sa panig ng Gitnang Silangang Asya ay patunay na bukas ang kabataan sa bagong ideya ng pagrerebolusyon at pagbabago ng sistemang panlipunan.  Handa na ito sa laban upang palitan ang mga dating monarkiya, diktador, at mga kasapakat ng kasalukuyang sistemang neo-liberal , globalisasyon at "malayang pamilihan". Sa Ehipto, Tunisia, Libya at iba pang panig ng Gitnang Silangang Asya ipinakita ng kabataan ang kanyang lakas. Ang kanyang pamumuno sa pagrerebelde ay nagresulta ng pagpapalayas sa mga rehimeng nagpahirap sa sambayanan nila sa matagal na panahon. Gayon din nitong nakaraan sa London, mga kabataan muli ang tumungo sa lansangan upang ipahayag ang disgusto sa kasalukuyang parlamentaryong naghihigpit ng sinturon na ang tuwirang tinatamaan ng gayong klaseng pagtitipid ay mga kabataan at mamamayan. 

Maging sa Pilipinas ay ipinapakita ng mga kabataan ang kahandaan nitong suungin ang laban. Noong nakaraang taon, naimplementa ang pinakamalaking kaltas sa badyet ng edukasyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Sinagot ito ng mga kabataan ng mga kilos-protesta, strike, walk-out at iba pang porma ng pagtutol. Nagbunga ito ng pagbawas sa naiplanong kaltas sa badyet. Umani ng tagumpay ang mga kabataan ngunit malinaw na hindi dito nagtatapos ang laban ng mga kabataan para sa edukasyon. Hindi lamang sa sektor ng edukasyon makikita ang kahandaan ng mga kabataan sa pakikibaka. Maging sa sektor ng paggawa, sa mga pagawaan, pabrika hanggang sa demolisyon. Maging sa kanayunan ay handa na ang pwersa ng pagbabago kasama ang mga mamamayang pinahihirapan ng pyudal at bulok na sistemang ito.
Subalit, kailangang mailinaw na ang pakikibaka ng mga kabataan ay di kayang mapagtagumpay laban para sa isang maayos na lipunan kung siya ay nagsasarili lamang. Kung magkagayon man na hindi isanib ng kilusang kabataan ang kanyang pagkilos sa kilusan ng batayang masa ng manggagawa at magsasaka, magiging bugso- bugso lamang at may tipong anarkista ang magiging itsura ng labang ito. Bagay na madaling samantalahin ng mga reaksyunaryo at tagapagligtas ng "status quo". kinakailangang mulat na sumama ang kilusang kabataan sa malawak na kilusan ng mamamayang ginutom, inapi, at pinagsamantalahan ng bulok na sistemang panlipunang nagbigay nag katangiang mala-pyudal at mala-kolonyal sa lipunang Pilipino. Ang laban para sa isang makatarungang lipunan ay hindi lamang laban ng mga kabataan, kundi ng mamamayan ng buong daigdig.  

Ang pagrerebolusyon ng mga kabataan ay hindi pagtalikod sa mga obligasyon nito sa kanyang pamilya, kaibigan, kinalakhang lipunan, kaibigan at iba pa. Ang rebolusyong lalahukan ng mga kabataan ay higit pa ang makakamit na tagumpay, bagay na hindi kayang ibigay ng mga diploma ng unibersidad, pamantasan, kolehiyo, at paaralan.