Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Teenagers. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Teenagers. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Agosto 17, 2011

Teenager ka pa ba?


Kanina ko lang ulit napakinggan ang kantang Teenagers ng My Chemical Romance. Nakakatuwa ang mga biglang pumasok sa isip ko habang tumutugtog ang kanta. May mga liriko din ang kanta na di ko maiwasang komentuhan. 


They're gonna clean up your looks
With all the lies in the books
To make a citizen out of you


Halimbawa, sa mga eskwelahan, sino ba ang nagtakda na dapat ang mga estudyante ay nakasuot ng uniporme, naka-sapatos, kapag lalaki dapat gupit militar.Kapag babae dapat nakatali ang buhok. May pagka-elitista ang tipo ng mga eskwelahan. Iniisip ko lang, kung ganito ng ganito sa mga susunod na taon malamang na wala nang mag-enroll. Bukod kasi sa pipilitin kang bumili ng uniporme, kakaltasan pa ang badyet ng edukasyon ngayong taon. Asahan mo na pagdating ng February e may fiesta na naman. Tuition Fiesta ang tawag dito. Kundi man tuition, miscellaneous ang tataasan. Pero balik tayo sa sinasabi ko. Wala ka pang uniform. Goodluck. 

Bukod sa papahirapan at gagatasan ka ng mga kapitalista edukador na wala rin namang iba kundi  ang mga administrador ng mga unibersidad, pamantasan, at mga kolehiyo,  papasakan ka pa ng mga kursong hindi naman talaga naaayon sa pangangailangan ng Pilipinas. Mahahalata mo naman yan e. Magbasa ka lang kung ano na ba ang kailangan ngayon ng mga bansang kagaya ng US, UK, at iba pa. Malalaman mo na kung ano ang patok na kurso. Idagdag mo pa riyan ang mga librong pinapagamit sa elementarya. Palibhasa'y dumaan sa sensura ng mga dambuhalang bangkong pinagkakautangan ng Pilipinas, kontrolado nila ang laman ng mga librong ito. 

Asahan mo na ang mga propaganda sa midya na kapag ganitong kurso ang natapos mo e ikaw na ang pinakamagaling. Asahan mo na rin, sa minumum, na kapag nakakasalita ka ng ingles e bida ka. Di lang basta bida, sibilisado at "globally- competitive"  ka daw. Ayos. Kuha mo? 


Because they sleep with a gun
And keep an eye on you, son
So they can watch all the things you do


Tingnan tingnan mo na. Baka may mga surveillance camera na sa kampus mo. Wag kang mag-alala. For security purposes yan. Sabi nila. Sabi ng Human Security Act. Sabi ni Poncio Pilatong president ng eskwelahan. Sabi  ni Hudas na direktor ng Students Affairs. Sabi ni koya at ni ate na galit sa aktibista. Side trip nalang daw yung pagmamanman sa mga kilalang student-leader sa kampus. Side trip nalang daw kung nagkataon man na i-tip ka nila sa militar para i-harass, takutin, o ,kaya dukutin.  Actually, di  mo  na kailangan pang mag-audition sa Pinoy Big Brother. Kampus mo palang, PBB na! Lagi mong tandaan: "Big Brother is watching you!"  


So darken your clothes
Or strike a violent pose
Maybe they'll leave you alone
But not me


Madami pa sana tayong pwedeng pag-usapan lalo kung teenagers lang din naman ang ating pagkwekwentuhan. Pero sa lahat ng lumitaw sa topiko nating ito isa lang ang sagot dyan: Wala kang uniporme pero gusto mo mag-aral? Ipetisyon natin. Sino ba ang may sabi na makakaapekto ang pagsusuot mo ng tsinelas sa pagkatuto mo? Sino ba may sabi na kapag nagpakalbo ang katabi mong babae sa room nyo e imoral na siya? Sino ba may sabi na kapag wala kang uniporme e hindi ka sibilisado?

Mataas na matrikula ba kamo at badyet cut? Tanungin mo yung mga nauna sayo sa kampus mo: Bumaba ba ang matrikula nila nung umupo lang sila sa isang tabi at nakatunganga lang sa kawalan? Hindi masama ang mag-rally, maglunsad ng mga signature campaigns at magsuot ng iisang kulay ng tshirt lalo kung para ito sa mas dekalidad at abot kayang edukasyon.

Walang masama sa strike kung ito  nalang ang natitirang hindi mo nagagawa para mapababa ang matrikula mo at mapigilan ang kaltas sa badyet. May mas mataas pa dito pero kung ito lang ang kakayanin walang problema. Tandaan natin na kasaysayan na ang nagsaad na sa pamamagitan ng strike nagawa nating mapababa ang kaltas ,bagamat kulang pa, nakita natin na mayroong kinakahinatnan ang ating mga ginawa. 


They said now teenagers scare the living shit out of me

Dapat talaga silang matakot. Hindi ang mga surveillance camera ang kayang magpatigil sa mga pagkilos ng kabataan. Babasagin lang nila yan. Hindi ang mga pulis at militar ang kayang pumigil sa mga kilos-protesta ng mga kabataan. Sasagasaan lang nila yan. Kabataan ang bukal ng pagbabago. Taglay ng kabataan ang rebolusyunaryong kaisipang magbabago sa lipunang matagal nang inalipin at pinagsamantalahan. Hindi lang sa loob ng paaralan kayang matuto ng mga kabataan. Ang tunay na pagkatuto ay sa piling ng masang api.